Saturday, May 16, 2009

ANG PAGLUBOG NG ARAW SA MANILA BAY

ANG PAGLUBOG NG ARAW SA MANILA BAY

ni Bienvenido A. Ramos

Isa sa pinakamagagandang tanawin sa buong daigdig na ipinagdarayo ng mga turista ay ang paglubog ng araw sa look ng Maynila. Dahil dito, karapat-dapat na maipagmalaki ng bawat Pilipino ang tanawing ito kahit kanino.

MAGANDA raw ang dapithapon sa Manila Bay. Maganda rin ang paglubog ng araw sa aming nayon sa Malolos, sa likod ng hapila at palumpong ng kawayan, ngunit yao’y hindi maiiba sa alinmang dapithapon sa alinmang pook. Marahil, wika ko, gayon lamang talaga ang dapithapon saanman ako naroong pagmasdan ko ang paglubog ng araw.

Marahil ay dahil nasa bukid kami, at ang dapithapon ay lagi kong nakikita. Gayon araw-araw. Hahagway ang mga anino ng punong-kahoy, at sa kalawakan ng bukid, kung tag-araw, tila kumot na mangitim-ngitim ang palay na sumasapaw. May mangi-ngisang magsasaka, pasan ang araro, pauwi sa kanilang dampa.

May mga timpapalis, langay-langayang sumasalubong sa naglalayag na alapaap. May iimbulog-sisisid na paisa-isang lawin, na dumaragit sa dagang-bukid. At sa may hapila, may ilang nagpapalipad ng saranggola lalo’t malakas ang kaskaron.

Naisip ko nga: baka nga maganda ang dapithapon o ang paglubog ng Araw sa Manila Bay. Kung hindi’y bakit di miminsang nabasa ko ito sa diyario, sa mga paanunsiyo ng turismo. Kung hindi’y bakit maraming dayuhan ang sinasabing naaakit nito—ng paglubog ng araw sa Look ng Maynila?

Ako, ako’y isang Pilipino at nagmamakahiya ako sa sarili. Mismong nasa sariling bayan na ako, hindi ko pa nakikita ang balitang Paglubog ng Araw sa Look ng Maynila. Buti pa ang mga dayuhan. Nakakahiya naman, saloob-loob ko.

Isang hapon, paglabas ko ng opisina, pumara ako ng isang bus. Hapo ako sa trabaho, kailangan kong magrelaks. Kailangang basagin ko ang konsentrasyon ng utak ko sa trabaho. Kailangan kong malibang.

Nguni’t hindi ko iniisip na magdilidili. Hindi ko iniisip na isipin ang buhay, ang mga problema ng buhay. Gusto ko’y mag-isa, at sa pag-iisa’y takasan ko ang pag-iisip. Takasan ang intindihin, ang stress ng buhay; ang strain na nagdaragdag ng kulubot sa aking noo.

Ipinasiya kong panoorin ang Paglubog ng Araw sa Manila Bay.

Pagkatapos ng kulang-kulang na kalahating oras na biyahe sa maalikabok at matrapik na lansangan ng lungsod, ako’y bumaba sa Luneta Park. Puno iyon ng tao. Tinedyer na magkakawit-kamay sa paglalakad. Mga inang may akay na mga anak; mga amang may pangkong mga anak. Mga magsinggiliw, nagbubulungan, nagkukurutan. Namamalayan ko ang aking pag-iisa, sa gitna ng madla.

Ang marikit na fountain, na hugis-globo, sa may Luneta Park, sa tama ng palubog na sinag ay lumilikha ng bahaghari, nagunita ko tuloy ang bahagharing tumutubo sa dulo ng tagpuang-guhit ng langit at lupa sa aming nayon. Pupuntahan namin iyon ng aking kapwa bata, ngunit hindi namin mararating. Itinatanong tuloy namin kung saan naroon ang puno ng bahaghari, kung saan iyon itinatanim ng Diyos.

Mga barko. Nag yayao’t ditong mga lantsa. May mga namamansing. Ang Cultural Center of the Philippines, at ang katabi nitong Folk Arts Theatre ay tila kambal na ampiteatro sa matandang Gresya. Naisip ko: may kinabukasan ang sining at kalinangan ng aking bayan. Iyan ang pantheon na paglalagakan ng mga pamana ng lahi, para ingatan ng panahon sa susunod na henerasyon.

Tinungo ko ang babasagang-alon. Nasaan ang Araw? Saan ko makikita ang Paglubog ng Araw sa Look ng Maynila? Saan?

Hindi ko sinapnan ng dalang diyario ang sementadong liston ng breakwater. Sumalampak ako. Inalis ko ang salaming may kulay na kangina’y ipinantabing ko sa alikabok ng daan, ibig kong makitang mabuti ang paglubog ng araw.

Hinanap ko. Hayun nga ang paglubog ng araw! Ako, sa sumunod na sampung minuto marahil, ay nawala. Nawala. Ang lahat ng konsentrasyon at kamalayan ko’y tumuon sa inaalong pisngi ng Look, sa dako pa roon.

Kung ako’y makata, ihahambang ko ang mapulang araw sa isang pula ng itlog, na piniprito sa mantika. Kung ako’y pintor, ipipinta ko ang araw, na tila kahel na inaabot ng mga alon sa isang pabiting nakatali sa langit. Kung ako’y manunulat itutulad ko ang paglubog sa araw, sa Look ng Maynila, sa isang mapulang puso na nakalabas sa dibdib ng bundok, at ang pintig ay isinasayaw ng mga alon. Kung ako’y pilosopo, ang paglubog ng araw sa Maynila, ay ihahalintulad ko sa isang mapulang utak, na nagtatapon ng elektrons at protons, at nagpapagalaw sa sansinukob.

Iba ang paglubog na iyon ng Araw sa Manila Bay. Iba. Iba sa alinmang paglubog ng araw saanman, kahit sa aming nayon. Iba.

Wari’y sama-samang dumating sa atin ang luwalhati, pagmamalaki, pagkatigagal at panlulumo. Luwalhati ng isang kaygandang tanawin sa pintuan ng gabi. Pagmamalaki sapagka’t bihira nga, walang kapantay, ang paglubog ng araw na ito sa aking bayan. Hindi nga makikita ito sa ibang bansa. Pagkatigagal, sapagkat hindi ko maisip kung gaano kalawak ang Kapangyarihang lumikha ng gayong mahimalang tanawin. Panlulumo, sa pagkadama kong ako’y isang kapuri na anino na nagkakahugis lamang sa tama ng pinakamaliit na atom ng sinag ng araw na iyon.

Iba nga ang Paglubog ng Araw sa Maynila. Iba. Ito’y masasabi ko kahit kanino. Ito’y maipagmamalaki ko sa taga-ibang bansa. At totoo, totoo nga ang sabi ni Dr. Rizal, na “ang bayan ko’y Perlas ng Silangan.” Isang sinag lamang ng araw na iyong papalubog, ay isa nang butil ng perlas. At milyon ang sinag na iyon, walang hanggan.

Ang kaibhan ng Paglubog ng Araw sa Manila Bay ay nasa pandama mo. Madarama mong nasa tabi mo lamang ang Bantayog ng isang Bayaning itinuturing na Pinakadakilang Malayo. Madarama mong ang lupang iyong inuupan, minsa’y nabasa ng dugo ng bayaning ito. Madarama mo ang pagiging sagrado ng pook na iyon.

Sa halos isang hakbang ng iyong paningin, madarama mong yao’y naging larangan ng isang paglalaban. Saan mo ba hahanapin ang plota ni Almirante Montojo, na pinalubog ni Almirante Greorge Dewey sa pook na iyon? Saan mo hahanapin ang bakas nina Soliman at Lakandula, sa pagtutol sa pananakop ng Adelantado?

Maiisip mong napakaraming kaluluwa ang makakausap mo sa pook na iyon. Naroon ang kaluluwa ng tatlong paring sina Burgos, Gomez, Zamora. Baka naroon pa ang bakas ng garote. Naroon ang kaluluwa ng Labintatlong Martir ng Cavite. Naroon ang kaluluwa ng iyong lahi.

Sa nilulubugan ng araw, paglunuyin mo ang iyong paningin. Ang makikita’y naghuhumindig na bundok, isang tuldik na itim, at kambal na lagusan. Yaon ay mga bundok ng Bataan, kung saan ginawa ang huling pagtatanggol. Yaon ang pulo ng Corregidor, na hindi alangang itulad sa pulo ng Gibraltar—sa bukana ng mga Dagat Atlantiko at Mediteraneo sa Europa. Ang Corregidor, ay kakambal ng Bataan—na umantala sa pananalakay ng Hukbong Hapones patungong Australia—noong 1942.

Marahil, naiisip ko habang ang pinagmamasdan ko ang papalubog na araw sa Look ng Maynila, ang iginaganda ng paglubog ng araw sa Manila Bay—ay nasa luwalhating gumigising sa mga alaala ng pakikilaban, pagpapakasakit, at pagbubuwis ng buhay ng mga nalibing sa lupang mismong kinauupuan ko—na nasa Araw na tinatanaw ko ang ispiritu at kaluluwa ng aking Lahi—na tulad ng araw ay lumulubog—upang muling sumikat sa kinabukasan—nang higit na marikit, higit na maalab pagkaraan ng isang maunos at masungit na gabi.

3 comments:

  1. Magandang araw po G. Bienvenido:
    Ako po si Fely N. Vicente, nagtuturo sa Bukidnon State University sa Malaybalay City, Bukidnon. Kasalukuyan po akong kumukuha ng aking Master's Degree sa Filipino sa Xavier University sa Cagayan De Oro City at bahagi po ng kahingian para po isa ko pong asignatura ngayon sa Masteral ay ang pangongalekta ng mga tula sa ibat ibang panahon. Kung mararapatin niyo po, nais ko po sanang humingi ng kopya ng inyong tula noong 1963 na nagwagi sa talaang ginto na pinamagatan pong "Maynila". Naway mapagbigyan niyo po ang munti kong kahilingan. Pagpalain nawa kayo ng Poon.

    ReplyDelete

Ikinalulugod ang mga komentong inyong nais ipahatid!