Monday, May 25, 2009

Mga Likhang Tula

BAGONG EDUKASYON?

Ang itinuturo ay “kahalagahan”
ng dunong at lakas
upang magtamo ng ginhawang material:
mag-isip, magplano, maghanap, tumuklas
sa Sining at agham
ng sa hinaharap ay magpapatatag
sa sariling interes at kabuhayan.

Musmos pa’y iminumulat ng magulang
sa layaw ang anak—
lahat ng maganda ang ibinibigay;
ipinakakai’y lahat ng masarap…
hanggang paaralan
sa isip ng bata ay itinatatak—
na salapi ang mahalaga sa buhay!

Kaya nang magtapos na sa pamantasan
ang obsesyo’t hangad
ay yumaman—kahit sa anong paraan!
yumaman kahit na magdaya’t manghuwad,
mang-api’t manlamang;
basta guminhawa, yumaman…yumaman—
sa kaban ng bansa kahit mangulimbat!

MALUPIT NA TAG-ARAW


Kahit habulin ko ang taglagas

sa batis na lumuluha ngayon ng burak,

nakalatag na ring bangkay ang bukas

na binugbog, pinatay nila sa gubat,

na ang dugong-baha sa kalambaka’y dumanak.

Ayaw kong salubungin ang tag-araw

nang hubad ang tuyot kong katawan-

punit ang dati kong damit na luntian,

baka mapaso ako sa katotohanang

ang bukas ay ililibing nang bangkay!

Saan kaya sisilong ang mga ibon—

kung tag-araw na humahampas ang daluyong?

ang mga rosas ay saan magkakanlong-

sa nakapapasong init ng pagsulong

ngayong nakaburol ang bukas sa berdeng kabaong?


GANTI NG KALIKASAN


Sa iyong bakura’y ilipat ang bundok,

Isalin ang gubat sa lumang palayok;

Gawin mong abono ang mga himutok

Ng mga tambutsong may lason ang usok…

Ilipat sa gripo sa bahay ang batis

Upang ang lababo ay pusong luminis

At duming maanod ang langaw at ipis

Sa tubig ng ulang may lason nang tubig!

Huwag iyang lunsod ang iyong ilipat

(Na materyalismo) sa bundok at gubat,

Nang di marumhan ang katutubo’t likas,

Nang ang lindol ay di magising sa pugad.

Ang bundok at gubat pag iyong sinaktan

Sa pag-iimbot sa likas nilang yaman-

Kahit na mabait iyang kalikasan

Sa kasakiman mo’y magiging halimaw!

MAY GANTI


Sugatan ang lupa at magiging bulkan

Lasunin ang hangin at magiging unos,

At ang sisirain ay kapaligiran

Sa pagbabalik na may higanti’t poot.

Tambakan ng basura ang sapa’t ilog,

Ang sangka’t estero ay gawing tambakan

Upang maging pugad ng langaw at uod

Na may higanting babalik balang araw.

Hamigin sa lupa ang lahat ng yaman,

Limasin ang dagat, butasin ang bundok;

Hayop, isda, ibon ay kitlan ng buhay

Hanggang sa malipol ang lahi’t maubos.

Kapag inalipin ka ng pag-iimbot,

At kinuha ang higit sa kailangan…

Bulkang magigising ang tulog na bundok,

Hahampas ang unos kahit na tag-araw!


DASAL-DALIT NI MANG JUAN


Kumukulo’y walang bigas sa palayok

Sa gatong ng kahoy-bundok,

At sa harap ng dagupan ay yukayok

Si Mang Juan, isang hapong umuunos;

May tanong na di masagot:

Tag-araw’y bakit may bagyong dumagunot?

Upang palambutin ba ang lupang tuyot

O anurin yaong bulok

Sa bukiring taba’t yaman ay hinuthot?

Kagutuman sa pintuan ay kumatok

Sa bukirin nang magkuyog

Ang dayuhang mga balang na dayukdok,

At nilaklak ang pananim, pati talbos!

Si Mang Jua’y napaluhod

At sa gutom ay nasabing pahimutok:

“Bigyan Mo ‘ko ng kakanin, Poong Diyos,

O ihukay mo ng puntod!”

No comments:

Post a Comment

Ikinalulugod ang mga komentong inyong nais ipahatid!

Post a Comment