Monday, May 25, 2009

Mga Likhang Tula II

TERORISTA

Hinahanap kita hindi sa dilim,

o sa gulapay na kahirapan,

o sa nakalahad na palad

ng hungkag na sikmura ng alas-dose,

sa orasan na naubusan ng baterya—

kaya bombang hindi pumutok

ngunit naghasik din ng takot

na walang mukha at walang anino

sa kawalan ng liwanag.

Hinahanap kita—hindi sa tagpi-tagping

yero, na itinakip sa kalansay

ng barungbarong, na walang silid

na sukat pagkanlungan

ng gutom ng sikmura at laman—

na magdaragdag ng pamilyang gutom na bibig,

at milyong naghahalungkat sa basurahan,

naghahanap kahit ng kapirasong langit

sa impiyerno.

Kilala na kita, at hindi ka makapagtatago

sa heavily-tinted na Mercedes,

o mamahaling terno na nagkakanlong ng puso

mong uwak, ng buwitre mong sikmura,

ng lintang-dugo mo—na siyang naghahasik

ng lagim sa mundo—

sa pagbubunsod mo ng kultura ng pagsasamantala

ng malalaki sa maliliit, ng malalakas

sa mahihina—

sa walang anyo, walang mukhang pananakot

sa ngalan ng materyalismo

at pagkakapatirang pandaigdig.

TATLONG AHENTE NI APOKALIPSIS

Polusyon:

Singa ng tambutso

Ng nasisipong industriyalisasyon

Na pinainom ng gasolinang may tingga,

At isinuka

Ng mga pabrika

Na malakas sa gobyerno

Kaya di maipasara

Bawal na Droga:

Sinisinghot

Ng gustong makalimot

Sa mga problemang walang mukha,

Itinuturok

Sa lubog na ugat

Ng mga sibol ng halamang

magiging damo sa kagubatan ng lunsod.

Acquired Immune Deficiency Syndrome:

Paghahanap ng langit

Sa apoy ng impiyerno, na nagpapasulak

Sa libido ng patriarkang kultura

Palihim, maingat ang pagsalakay

Ng tatlong ahente ni Apokalipsis

Walang kalatis na nakapasok

Sa isang kutang bukas ang mga pintuan.


DELUSYON

Bagong konsepto ng “pagkamakabayan”

Ay buksan ang bansa sa mga dayuhan;

Ang “globalization” gawing patakaran—

Upang ang pag-unlad madaling makamtan;

Sariling interes huwag protektahan;

Ang nasyonalismo’y isang kahangalan?

Pumaimbulog ka—kahit munting pipit

At galugarin mo iyang himpapawid;

Sa lawi’t agila’t ibang mandaragit

Ay makilipa’d ka’t—ang munti mong bagwis

Sa pag-imbulog mo’y palakasing pilit

Upang maabot mo ang ilusyong langit.

Huwag kang titigil sa iyong paglipad

Kahit na hapo na ang munti mong pakpak,

Pilit mong abutin ang langit na hangad

Na naging obsesyon ng sira mong utak!

Karangalan mo rin (hangal mang matawag)

Na sa sarili mo’y ikaw ang nagwasak!


HUWAG MO NANG SAGUTIN ANG TANONG

Ito ba ang Edeng dinalit sa huling sandali ni Rizal?

Ito ba ang “Pag-ibig” ni Bonifacio—na higit sa lahat?

Ito ba ang Lupang bantulot lisanin ni M. H. del Pilar—

ipinaglaban (kahit mamulubi) sa “La Solidaridad”?

Sa Dakilang Lumpo’y ito ba ang lakas na nagsilbing saklay?

Siyang huling sinta ni Heneral Goyo sa may Pasong Tirad?

Ito ba ang Liping sa may limang siglong sakop ng dayuhan,

Nakapanatiling may sariling kultura at identidad?

Kung ito ang lahing ang paglaya’y tinubos ng dugo’t buhay,

kung ito ang Lupa na ayon kay Rizal ay Edeng marilag,

Bakit tayo pa ang dumudungis sa sariling puri’t dangal?

Sa kalikasan at sa kapaligira’y siyang nagwawasak?

Totoo nga kaya ang paniniwalang—tayo’y Lahing HANGAL?

At nakararami sa umano’y lider ang may asal-Judas?

BAKIT?


IKAW’y hindi baging-

Bakit nanaising sa iba kumapit

upang di ibuwal ng baha at hangin?

Bakit di gamitin ang sariling bisig

At sa sarili mong paa ka tumindig?

IKAW’y matalino

at Lahing munti ma’y kilala sa tapang—

sa mga dayuha’y hindi nanganino

nuno mong Plaridel, Bonifacio’t Rizal.

Unang Republika ang itinatag mo

sa unang matagumpay na himagsikan.

EDSA Revolution

ngayo’y ginagawa ng maraming bansa—

mabisang panlaban sa mga diktador

himagsikang walang-dugo at payapa—

nagtampok sa kinikilala na ngayong

Lakas ng Nagkakaisang Mahihina.

IKAW’y hindi baging

Ikaw’y matalino’t kilalang matapang—

at nakahihiyang daing ka nang daing

at susukot-sukot ngayon sa dayuhan!

Ipinagpalit mo sa dollar at yen

Ang kaluluwa mo, laya, puri’t dangal!


ALEGORYA NG ISANG GUBAT


Pinanonood ko ang lunsod na gubat

Na may iba’t ibang hayop na naggala;

Doo’y—“matira ang matibay”—ang batas…

Pagkain ng malakas—ang mahina.

Ang kapangyarihan doo’y nasa Lakas!

Nasa isang Pulo ang gubat na yaon—

Sa dakong silangan ng ‘naglahong eden’;

Mabaging, madawag at mapunongkahoy,

Ang puso’t sikmura’y mahirap pasukin

Ng diwang di sanay magkalag ng Bugtong!

Pinanot ang gubat—upang bigyang-daan

Ang Lunsod na yari sa kongkreto’t marmol;

Batas din ng gubat pa ang umiiral

Bagama’t mulat na’t may sibilisasyon.

Nasa ilang Ganid ang kapangyarihan!

Naglaho ang gubat, subalit naiwan

Ang mga limatik, buwaya’t ulupong…

Kaya batas-gubat munti’y nilalamon

Ng nangaghaharing ganid at halimaw!

KANGKONG


Binunot ang ugat ng kangkong-estero

saka inilipat

sa lupang banyaga’t ang puso’y disyerto;

ang kangkong, totoong gulay-pangmahirap

naiaadobo

sa konting mantika ng taba ng Oso’t

banyagang prinsipyo,

at kung ang lupa mo’y hinamig ng tuso

sikil ding sisibol sa tubig at burak.

Ang tinubuan mong lupa’y hinahamig

sapagka’t suyak ka

sa isang bakurang mandi’y nililinis;

ikaw’y ihahagis sa mga basura,

ang talbos ng isip

kahit na bunutin ay magdadahon pa,

gagapang sa putik,

pilas na bandila’y doon ititirik.

Gulay-pangmahirap na nakatutubo

kahit sa pusaling

tapunan ng latak, yagit, tining, labo,

lalong sumisibol sa mga aglahi,

ang pagkasiphayo

ay halamang mula sa mabuting binhi—

habang nililipol, lumalagong lalo.

1 comment:

Ikinalulugod ang mga komentong inyong nais ipahatid!