Friday, June 22, 2012

Bienvenido A. Ramos (1934-2012) †



UNANG kinilala si Bienvenido A. Ramos bilang makata at manunulat sa Filipino at Ingles, nasa unang taon pa lamang siya sa Bulacan High School (Marcelo H. del Pilar National High School ngayon) nang siya ang magwagi ng dalawang unang gantimpala sa timpalak-panitik na inilunsad ng paaralan kaugnay ng pagdiriwang sa “ Araw ni Balagtas” (Abril 2, 1947). Nasa second year si BAR nang nagsimula siyang magsulat ng mga tulang nangalathala sa mga pambangsang magasin, tulad ng “Liwayway”, “Ilang-Ilang”, “Bulaklak”, at iba pa. Noon nabunsod ang isang mabunga, namumukod na “writing career”, na tinampukan ng kawing ng panalo sa mga timpalak-panitik sa iba-ibang sangay ng Panitikang Pilipino. Noong 1979 ay iginawad sa kanya ang titulong “Poet Laureate”—sa magkakasamang pagtataguyod ng Makata Inkorporada, Surian ng Wikang Pambansa at National Press Club of the Philippines.

Isinilang si Bienvenido A. Ramos noong Enero 15, 1934 sa sitio Apugan, Atlag, Malolos, Bulacan – mula sa pag-asawahang Dominador L. Ramos, isang mangingisda, at Modesta Avendano. May pambihirang likas na talino, nakakabasa na ng Tagalog si BAR bago pa man siya nag-aral sa grade one. Nanguna siya sa klase mula sa unang baitang ng mababang paaralan hanggang sa matapos sa hayskul noong 1951.

Hindi lamang sa pagsulat ng tula nagpamalas ng pambihirang kakayahan si Ben (palayaw sa kanya), kundi maging sa pagsulat ng sanaysay – sa Ingles at Pilipino. Nasa unang taon lamang siya ng high school nang mapiling “Best Theme IV” ang obra niyang “My First Detective Experience”, at nasa ikalawang taon siya nang makasulit sa eksaming ibinibigay ng “The Republic”, ang pahayagang tagapamansag ng Bulacan High School – upang manging pinakabatang kagawad ng editoriyal staff. Siya ang Pilipino Editor ng “The Republic” nang magwagi siya ng medalyang ginto sa pagsulat ng editorial (Pilipino) sa Secondary Schools Press Conference na ginanap sa Iloilo noong 1950.

Nasa ikalawang taon na siya ng hayskul nang magsimulang makilala ang pangalan ni BAR sa Panitikang Pilipino – nang malathala sa mga pangunahing magasin noon – Liwayway, Ilang-Ilang, Sinagtala – ang mga tula niyang ang ilan ay napasama na kaagad sa mga aklat-pampaaralan.

Bagamat nagtapos sa hayskul nang may karangalan, hindi agad siya nakapag-aral sa kolehiyo bunga ng kahirapan. Totohanan nang hinarap ni BAR ang pagsusulat, ngunit hindi lamang ng tula. Ang unang maikling kuwento niyang nalathala sa magasing Liwayway (“Pakikipagtunggali”) ang siya na ring pinagbatayan upang siya’y kuning kagawad ng pamatnugan ng Liwayway noong 1959. Bilang kagawad ng pamatnugan, kay BAR ipinagkatiwala ang pagsusuri sa mga tula at kuwentong padalang-tulong ng mga manunulat at makata mula sa labas. Nagpatuloy siya ng pag-aaral sa gabi sa FEU (AB Journalism), at sa “Advocate”, ang tagapamansag ng FEU, inilathala niya ang isang tulang umani ng papuri ng kritikong si Alejandro G. Abadilla.

Sipiin natin ang ilang saknong ng tulang “Ako’y Isang Ilog” (FEU Advocate, 1963) na sinulat ni BAR:

Nagsimula nang madama ang lamig Ng dugo kong agos, Kasi, ang buhay ko’y pakati nang ilog. Ang daloy ng sigla Ay hindi mapigil sa pagsusumugod – Ibig nang sumanib sa puntod kong laot.

Sa aking pagbabaw, Iyong mamamalas ang pangit kong anyo – Lilitaw ang tuod niring pagkabigo! Wala na ang linaw Ng kabataan kong lumabo sa bugso Ng dusang nagbanlik sa bukas kong lundo.


Kapansin-pansin sa mga tula, maikling kuwento, nobela, at sanaysay ni BAR ang kanyang may pagka-mapaghimagsik na pagtingin sa lipunan, sa umiiral na kawalang-hustisya, at sa mga lider na may kaisipang makadayuhan. Ang makabayang mga tula’t maikling kuwento niya, kasama ang mga lathalain niya tungkol sa kabayanihan nina Marcelo H. del Pilar, Hen. Gregorio del Pilar, Dr. Rizal at iba pang dakilang Pilipino ay kinilala ng pamahalaang-lungsod ng Quezon nang gawaran siya ng isang sertipiko at tropeo ng pagkilala sa pagdiriwang ng “Linggo ng Wika” at Kaarawan ng Pangulong Quezon noong 1983.

Maging sa pagsulat ng tula, maikling kuwento, artikulo at nobela ay kapansin-pansin ang malalim na pilosopiya at paggamit ng simbolo ni BAR, na naging batayan ng pagwawagi niya sa dalawang sunod na taon ng “Grand Opinion Award” mula sa Catholic Mass Media Award (1978, 1980). Bago ito, nagtamo na siya ng apat na gantimpala sa pagsulat ng sanaysay na itinaguyod ng Surian ng Wikang Pambansa (1974, ’75, ’76, ’77).

Ang pagmamahal at pangangalaga ni BAR sa matandang kultura, na itinuturing niyang pamana sa bansa ng panahon at kasaysayan ay nahahayag sa isang kuwento niyang pinamagatang “Matandang Bahay” (Liwayway, Oktubre 9, 1961). Sipiin natin ang isang talata ng kuwentong ito, na umaantig sa sentimentalismo ng mga Pilipino:

Napabuntunghininga siya. Aywan niya kung ano ang iisipin niya. Hindi niya maunawaan ang pagtutol ng kanyang ina, na ipagiba ang matandang bahay nila, ay magpatayo sila ng bago at higit na maganda. Mulat siya sa makabagong panahon, at gusto niyang pagtawanan ang pagpapahalaga pa ng kangyang ina sa mga bagay na luma, pangit at sa palagay niya’y naiwan na ng panahon.

Malaki ang naging impluwensiya kay BAR ng pagkakasilang niya sa isang makasaysayang bayan, tulad ng Malolos – sa pagkikimkim niya ng damdamin at kaisipang malaya, may katutubong malasakit sa sariling kultura, kasaysayan ay wika. Naging malaking katulong siya ng kababayan at noo’y punong patnugot ng pinaglilingkuran niyang magasing Liwayway, Jose Domingo Karasig, sa pagtatatag at pagpapalaganap ng “Kapisanan ng mga Alagad ng Wikang Pilipino” (KAWIKA) – pambansang kilusang naglalayong mapabilis ang pagpapalaganap ng Wikang Pambansa, na batay sa Tagalog. Kasama siya sa nagtatag noong 1957 ng “Kapisanang Panulat at Wika”, na naging ika-13 Balangay ng KAWIKA, na binubuo ng mga makata at manunulat na Bulakenyo, at nagpasigla sa sining ng Balagtasan, na nananamlay na noon. Tatlong ulit na naging Pangulo si BAR ng “Kapisanang Panulat at Wika na lumaganap sa buong Bulakan. Siya rin ang kasama ni Clodualdo del Mundo bilang tagapagsalita, tagapanayam sa mga pagtitipong pangwika at pangliteratura sa iba’t ibang kolehiyo at pamantasan sa Metro Manila.

Patuloy na umani ng mga tagumpay sa mga timpalak-panitik at ng pagkilala ng mga kritiko sa iba-ibang sangay ng Panitikang Pilipino – sa pagsulat ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, artikulo – si BAR ang isa sa tatlong kagawad ng magasing Liwayway ng nagtatag ng pahayagang “Balita” bago idineklara ni Marcos ang Martial Law noong 1972. Bagama’t nanatiling malaya at “mapaghimagsik” ang kanyang kaisipan at panulat, kinilala ni Marcos ang galing ni BAR nang sa kanya ipasalin noong 1978 sa Pilipino ang aklat na sinulat ni Marcos, ang “The Democratic Revolution in the Philippines”. Siya rin ang madalas sangguniin ng Surian ng Wikang Pambansa (Komisyon ng Wikang Filipino ngayon) – tungkol sa wasto at matatandang salitang Tagalog, lalo na ang may kaugnayan sa matandang kultura; siya rin ang naging palagiang “resource peson” ng Kagawaran ng Edukasyon sa taunang Secondary School Press Confernce – sa mga paksang ukol sa pagsulat ng balita, editorial at lathalain sa Pilipino mula noong 1975.

Noong 1978, si BAR ay hinirang na editor-in-chief ng lingguhang Liwayway – ang huling Bulakenyong humawak ng posisyong ito sa pangunahing magasing Pilipino sa bansa. Naging patnugot din ng Liwayway sina Jose Esperanza Cruz (Baliuag), Catalino V. Flores (Pulilan) at Jose Domingo Karasig (Malolos).

Sa panahon ng kanyang pamamatnugot, nagsimulang magbagong-anyo ang magasing Liwayway – maging sa mga paksa at banghay ng mga tula, maikling kuwento, nobela, at lathalain – pagsunod sa mabilis na pagbabagong pangkultura, panlipunan at pampulitika sa bansa.

Sa unang pagkakataon, nagsimulang sumulat si BAR noong 1978, ng editorial-opinyon sa Liwayway, “Ang Pinag-uusapan Ngayon”. “Ang Pinag-uusapan Ngayon”, na may tipong pagpuna sa rehimeng martial law ni Marcos, ay sumailalim sa pagsubaybay ng pulisya ay militar – naging dahilan upang bigyan ng “babala” si BAR – sa kanyang matalim na panulat. “Ang Pinag-uusapan Ngayon” ay magkasunod na taong ginawaran ng “Grand Opinion Award” ng Catholic Mass Media Award noong 1978-1980. Ngunit ito rin ang naglagay sa kagipitan kay BAR at bunga ng isang karamdaman, napilitang mamahinga (optional) si BAR bilang punong-patnugot ng Liwayway noong 1982 sa gulang na 48 taon lamang.

Gayon man, hindi tuluyang namahinga si BAR bilang makata, manunulat at peryodista – patuloy siyang nagsulat ng tula, maikling kuwento, nobela sa Liwayway at sa anyo ng mga pocketbook, at nagsulat ng kolum sa “Balita”, sa “Diario Uno”, at sa mga pahayagang pangkomunidad, tulad ng “The Reflector”, “Luzon Times”, “Mabuhay”, “Punla” at iba pa. Nagsulat din siya sa Ingles ng mga tula at lathalain noong 1980 sa “WHO Magazine”at sa mga magasing “Panorama” (supplement ng Manila Daily Bulletin).

Lahat yata ng parangal at pagkilala mula sa iba-ibang samahang sibiko, pangwika, pampanitikan, ay tinanggap na ni BAR— dahil sa malaking naiambag niya sa larangan ng panitikan at peryodismong Pilipino at tumanggap siya ng mga pagkilala at parangal. Ngunit ang itinuturing niyang pinakamahalaga ay ang parangal at pagkilalang tinanggap niya mula sa pamahalaang panlalawigan ng Bulakan, na naggawad sa kanya ng karangalang “Dangal ng Lipi” noong 1990 at “Gawad Plaridel”—Lifetime Achievement Award noong 2005.

Nagsulat na siya ng may 300 maikling kuwento, may 12 nobelang prosa, 200 nobelang isina-pocketbook, bukod sa may 500 tula, 100 balagtasan, na isinahimpapawid ng Cultural Center of the Philippines na sadyang kumuha kay BAR upang sumulat ng script ng balagtasan. Tatlong nobela niya ang isinalin sa pelikula, at karamihan sa kanyang mga piling tula, maikling kuwento, sanaysay, balagtasan ay nagwagi sa mga timpalak-panitik at napasama sa mga aklat-pampaaralan. Nagsulat din ng drama, comics strip, teleplay at iba pa.

Dapat sana ay namahinga na lamang si BAR sa piling ng tinamo niyang mga pagkilala, parangal at sertipiko ng pawawagi sa mga timpalak panitik, ngunit marami ang humiling na magsulat siya ng kolumn sa mga pahayagang lokal sa Bulakan. Noong 2003, siya’y hinirang ni Gobernador Josie M. dela Cruz bilang Culture and Arts Assistant.

Samantala, noong 2004, ay isinaaklat ng Ateneo de Manila University ang “May Tibok Ang Puso ng Lupa”, nobelang sinulat ni BAR, at nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak sa pagsulat ng nobela na inilunsad ng Samahang Balagtas at Surian ng Wikang Pambansa noong 1978. Ang “May Tibok Ang Puso ng Lupa” ay napiling pangalawang pinakamagaling na aklat s pagdiriwang ng National Book Week. Ang nobelang ito rin, kasama ng marami niyang sinulat na tula, balagtasan, maikling kuwento, sanaysay ang naging batayan upang pagkalooban si BAR ng “Gawad Balagtas” ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL)—sa pagdiriwang ng ika-30 Kongreso ng UMPIL na idinaos sa Unibersidad ng Pilipinas noong Agosto 28, 2004. Kaugnay ng karangalang ito, pinagkalooban si BAR ng plake ng pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulakan, at ng Sangguniang Lunsod ng Malolos nang taong nabanggit.

Hindi nagpabaya ang kanyang alma mater—sa pagdiriwang ng ika-100 taong pagkakatatag ng Bulacan High School (ngayon ay Marcelo H. del Pilar National High School), si BAR ay pinagkalooban ng parangal bilang isa sa mga namumukod na nagtapos sa nasabing mataas na paaralan sa loob ng isang siglo. Ang parangal ay ginawa noong Marso 26, 2006—sa Marcelo H. del Pilar High School sa Lunsod ng Malolos.

Ang lubos at walang pasubaling pagkilala at pagpapahalaga sa talino, kakayahan ni BAR sa larangan ng panitikan ay peryodismo ay ipinagkaloob sa kanya ng pamahalaang panlalawigan ng Bulakan—sa pagdiriwang ng Araw ni Del Pilar noong 2005 ang “Gawad Plaridel” Lifetime Achievement Award at “Gawad Marcelo H. del Pilar” noong 2009.

Isa na lamang ang pangarap ni Bienvenido A. Ramos—ang matamo ang karangalang “Pambansang Alagad ng Sining” (National Artist) sa Panitikan—na dapat lamang na matamo niya sa laki ng naiambag niya sa pag-unlad ng kultura at sining, particular ay ang Panitikang Pilipino.

Marahil kung magagawa lang niya, hiniling pa niya madagdagan pa ang kanyang hiram na buhay upang ipagpatuloy ang pagpupunygi niya sa buong sambayanan ang tikas, ganda ng panitikan na dapat lamang ipagmalaki nating mga Pilipino at masumpungan ng balana na ipagpatuloy ito at lalo pang pag ibayuhin ang pagmamahal dito.

Si BAR sa kanyang gulang na 78 ay itinakda na sa kanyang huling panahon ng ating Panginoon. Bago ang Abril 24, 2012, ng kanyang paglisan, ay may pag amin sa kanyang sarili na ganap na niyang natapos ang kanyang layuninsa kanyang hiram na buhay.

3 comments:

  1. The much larger the pearl, the rarer they are really
    and the much more high priced. However a personally designed promise
    ring for her is an exceptional gift. A pre-wedding ring –engagement ring is given usually
    to commit acceptance of eternal marital relationship.

    Here is my page - promise rings size 6.5

    ReplyDelete
  2. Nakakamangha naman ang mga gawa at talambuhay ni Bienvenido A. Ramos sya ay isang totoong makata!!! Sakit.info

    ReplyDelete
  3. Saan po kaya ako makakabili ng poetry collection ni Ka Bien... paborito ko po ang mga tula nyang binabasa ko sa Liwayway noong 60's at 70's...

    ReplyDelete

Ikinalulugod ang mga komentong inyong nais ipahatid!