Thursday, June 04, 2009

BALAGTASAN

BALAGTASAN

Sinulat ni BIENVENIDO A. RAMOS

SINO ANG HIGIT NA TUMUTUGON SA MGA KATANGIAN NG KADALAGAHANG TAGA-MALOLOS NA SINULATAN NI DR. RIZAL:

ANG DALAGA KAHAPON O ANG DALAGA NGAYON?

LAKANDIWA

Ang paksa ng Balagtasa’y mahalagang-mahalaga

Pagkat ito’y kaugnay ng kasaysayan at kultura;

Tinangay na ng lumipas ang ugaling Maria Clara,

Na ang yumi’t kahinhina’y kapurihan ng dalaga;

Panahon na ng computer, modernong teknolohiya,

Marami na ang nagbago sa pag-unlad nitong siyensiya;

Sa liham ni Dr. Rizal ay sinasabing isa-isa

Katangiang nararapat sa babaing Pilipina.

Ani Rizal, ang Babae’y hindi dapat nakayukod

At sa balang iniatas sa kanya ay sumusunod;

Mabait man ang babae at mababa iyang loob

Ay dapat na may tapang din na labanan ang balakyot;

Ang babae, bilang ina’y makalinga’t mapagkupkop

Pero di kunsintidora sa asal at gawang buktot;

Ang babae pag iyakin at ang puso ay malambot

Siya’y inang magsisilang ng suwail o busabos.

Ang paksa ng balagtasan-pagkatapos maihayag

Kapagdaka’y may umayon at mayroong sumalungat;

Ang DALAGA KAHAPON daw ang talagang nararapat

Na umangkin ng papuring kay Rizal na isinulat;

Ngunit ang BABAE NGAYON ay tumutol na kaagad;

Ang huwarang katangian sila raw ang nag-iingat;

Ang paksa ng pagtatalo upang ganap na malutas

Pakinggan ang bawat panig-sa katwirang ilalahad.

UNANG TINDIG:

Ang “Sulat” ba ay kailan ginawa ni Dr. Rizal?

Sa payo ng Bulakenyong si Gat Marcelo del Pilar?

Mahalaga ang panahon, makata kong kaibigan,

Ang dalaga ng Malolos KAHAPON ang sinulatan—

Panahon pa ng Kastila-nang gawin ang tanging LIHAM

Na papuri sa dalagang mayumi ma’y matatapang!

Samakatuwid, ang babae nang panahon pang nagdaan

Ang pinuri, di babae ngayo’t pangkasalukuyan?

Sa panahong itong bansa ay sikil at nasasakop

Ng Espanya, ang babae’y tahimik, mababang-loob;

Sila’y dangal ng magulang, sa tahana’y tagasinop;

Ang dalaga’y mayuyumi kung manamit at kumilos;

Hindi sila ang teenager na bata pa’y haliparot;

Di pa man nililigawan ay oo na yaong sagot;

Kaya naman ang babae noo’y hindi binabastos—

Sa bahay mo liligawan at hindi sa tabing-bakod!

Kasaysayan ang nagsabing ang kababaihan kahapon

Ang may mga katangiang sa “SULAT” ay tinutukoy;

Mayuyumi, mababait, masisipag, mahinahon;

Sa dusa man at panganib ay kabiyak na katulong;

Ilang lang ang halimbawang babanggitin dito ngayon:

Gabriela Silang, Tandang Sora, Gregoria de Jesus at Trinidad Tecson;

Sila’y hindi nagbantulot maghimagsik at tumutol—

Alang-alang sa paglaya’y di natakot maparool!

UNANG TUGON:

Masyado kang atrasado, kaibigang Kabalagtas—

Babae mong sinasabi’y bahagi na ng lumipas;

Ngayo’y iba ang Panahon, ang kulturang inaamag

Pag ngayon mo iginiit, sumulong man ay makupad;

Kailangan natin ngayon ay babaeng hindi duwag

Maghanap ng kapalaran kahit sa ibayong-dagat;

Iyang yumi, kabaitan ay hindi nararapat

Na taglayin, kung hangarin ng babae ang umunlad.

Iyang mga binanggit mong Babae ng Himagsikan,

Mabibilang sa daliri, Makata kong kaibigan;

Baka ngayon ang babae ay higit na matatapang—

Sa pagtulong sa pamilya, sila’y nangingibang-lugar,

Ang asawa’t maliliit na anak ay iniiwan,

Nagtitiis, sinusuong ang panganib, kamatayan

Upang ang kanyang pamilya’y mapaginhawa ang buhay!

At sila’y makatulong din sa pag-unlad nitong Bayan!

Sa “sulat” ni Dr. Rizal, maliwanag na natitik

Ang pinuring katangian ng babaeng mapang-akit;

Hindi ito ang babaeng mayumi nga at mabait,

Madasalin, ang tiisi’y binabata nang tahimik;

Kailangan sa babae’y matalino’t nag-iisip,

Na kapag nasa katwiran, karapata’y igigiit!

Kagaya ng isang bulkang pag natipon na ang init

Ay sasabog-magbubuga ng bato, lahar at putik!

IKALAWANG TINDIG:

Atrasado ba, wika mo, ang babae noong araw?

Dahil sila’y mayuyumi’t ang kilos ay di magaslaw?

Ano ba ang iyong gusto? Magbilad na ng katawan?

At kung baga sa bulaklak, buko’y lagas na sa tangkay!

Ang babae ng Kahapo’y maingat sa kanyang dangal—

Kabalagtas, ang ganyan ba’y masasabing kapintasan?

Hindi sila ang babaeng laging laman ng lansangan,

At mahilig mag-aksaya ng panahon sa sosyalan!

Kaya naman noong araw ang respeto nati’y lubos

Sa dalagang Pilipinang sa daigdig ay natampok;

Si Rizal nga ay sumulat sa Dalaga ng Malolos

Na kay Gobernador Weyler sama-samang nagsidulog

Hiniling na magtatag ng paaralan na pampook;

Sa kanila, Edukasyon ang sandata na panlagot

Sa gapos ng kamangmangan, at dustang pagkabusabos!

Sa kamay ng mapanikil at dayuhang mananakop!

IKALAWANG TUGON:

Ang “sulat” ni Dr. Rizal—kung iyo lang lilimiin,

Marangal na Katalo ko, ay kakampi ka sa akin;

Ang babaeng makabago ang talagang nag-aangkin

Ng attributes sa “Sulat” ng Pambansang Bayani natin;

Babaeng lista, marunong, hindi kimi’t mahiyain,

Na tama nang sa tahanan ay maglaba at magsaing;

Ngayon lahat ng laranga’y pinasok na’t papasukin

Ng babaeng ang marami’y sumikat na mga lider.

Walang babaeng sundalo noong araw, Kabalagtas,

Walang pulis na babae o kaya’y security guard;

Noong araw, ang babae ay anak lamang ng anak,

Sila’y takot na lumayo’t ang pamilya’y mapaunlad;

Pero ngayon, ang babae kahit harangan ng sibat

Ay hindi mo mapipigil kahit na magtawid-dagat,

Baon nila ang hangaring mahango sa paghihirap

Ang pamilya—kahit na nga buhay nila’y mapahamak!

IKATLONG TINDIG:

Tumpak lang ang sinabi mo, napahamak ang marami

Ng dalagang makabago’t kinampihan mong babae;

Sa hangad na magsikita nang biglaan at malaki,

Nagbenta na ng katawan, ng karangalan at puri;

Kaya ngayon basta Pinay, propesyonal na’t disente

Ang tarato at tingin ng dayuhan ay mga prosti!

At sa Hapon, ang tawag sa Pina’y ngayo’y “Japayuki”—

Kahulugan ay mababa ang lipad na KALAPATI!

IKATLONG TUGON:

Sarili mong kababayan ay ikaw ang lumalait,

Mahiya ka, kabalagtas, ang dumi ng iyong isip:

Hindi nila kasalanan na sa bansa ay umalis

Nang mahango ang pamilya sa dusa at pagtitiis;

Kung sila ay mapahamak, ang sisihin nating higit

Ay ang mga lider nating sa goberno’y umuugit;

Siyang sanhi kung bakit ang ating bansa’y nasa krisis

At ang ating Inang Baya’y kinukutya ng daigdig!

HULING TINDIG:

Ang babae ng kahapo’y karangalan nitong bansa,

Pati na mga dayuhan sa kanila’y humahanga;

Sa tungkulin sa asawa’t sa anak ay di pabaya,

Hindi sila ang babaeng makabago’t alisaga!

HULING TUGON:

Ang babae’y hindi dapat na magkulong sa tahanan,

Maging asawa at inang walang silbi habang buhay:

Kabalagtas, ang lalaki at babae’y magkatuwang—

Kung gusto mong ang mabigat na problema’y mapagaan.

HULING TINDIG!

Magaan ba ang gawaing maging INA at KABIYAK?

Aba, maghunos dili ka, marangal kong Kabalagtas!

Ang panig mo—ay BABAENG di ko naman nilalahat,

Mahilig lang sa sosyalan, sa tahanan nama’y tamad.

HULING TUGON?

Tamad pala! Paano mo masasabi na tamad nga

Ang babaeng—kumita lang—kahit ano’y ginagawa?

Nag—aabroad, pumapasok na caregiver o alila,

Kumita lang, at mahango ang pamilya sa dalita?

LAKANDIWA

Pasintabi, mararangal na makatang nagtatagis,

Pipigilin ko na kayo, bago kayo magkagalit!

Pagkatapos mailahad ang buti ng bawat panig

Walang itulak-kabigin sa lohika at matuwid.

Ang paghatol upang maging pantay at makatarungan

Ay hayaang ang magsuri ay Lupon ng Inampalan;

Ang kanilang pagpapasya ay marapat na igalang—

Yao’y pinal at pangwakas, at hindi matututulan!

(wakas)

Monday, May 25, 2009

Mga Likhang Tula II

TERORISTA

Hinahanap kita hindi sa dilim,

o sa gulapay na kahirapan,

o sa nakalahad na palad

ng hungkag na sikmura ng alas-dose,

sa orasan na naubusan ng baterya—

kaya bombang hindi pumutok

ngunit naghasik din ng takot

na walang mukha at walang anino

sa kawalan ng liwanag.

Hinahanap kita—hindi sa tagpi-tagping

yero, na itinakip sa kalansay

ng barungbarong, na walang silid

na sukat pagkanlungan

ng gutom ng sikmura at laman—

na magdaragdag ng pamilyang gutom na bibig,

at milyong naghahalungkat sa basurahan,

naghahanap kahit ng kapirasong langit

sa impiyerno.

Kilala na kita, at hindi ka makapagtatago

sa heavily-tinted na Mercedes,

o mamahaling terno na nagkakanlong ng puso

mong uwak, ng buwitre mong sikmura,

ng lintang-dugo mo—na siyang naghahasik

ng lagim sa mundo—

sa pagbubunsod mo ng kultura ng pagsasamantala

ng malalaki sa maliliit, ng malalakas

sa mahihina—

sa walang anyo, walang mukhang pananakot

sa ngalan ng materyalismo

at pagkakapatirang pandaigdig.

TATLONG AHENTE NI APOKALIPSIS

Polusyon:

Singa ng tambutso

Ng nasisipong industriyalisasyon

Na pinainom ng gasolinang may tingga,

At isinuka

Ng mga pabrika

Na malakas sa gobyerno

Kaya di maipasara

Bawal na Droga:

Sinisinghot

Ng gustong makalimot

Sa mga problemang walang mukha,

Itinuturok

Sa lubog na ugat

Ng mga sibol ng halamang

magiging damo sa kagubatan ng lunsod.

Acquired Immune Deficiency Syndrome:

Paghahanap ng langit

Sa apoy ng impiyerno, na nagpapasulak

Sa libido ng patriarkang kultura

Palihim, maingat ang pagsalakay

Ng tatlong ahente ni Apokalipsis

Walang kalatis na nakapasok

Sa isang kutang bukas ang mga pintuan.


DELUSYON

Bagong konsepto ng “pagkamakabayan”

Ay buksan ang bansa sa mga dayuhan;

Ang “globalization” gawing patakaran—

Upang ang pag-unlad madaling makamtan;

Sariling interes huwag protektahan;

Ang nasyonalismo’y isang kahangalan?

Pumaimbulog ka—kahit munting pipit

At galugarin mo iyang himpapawid;

Sa lawi’t agila’t ibang mandaragit

Ay makilipa’d ka’t—ang munti mong bagwis

Sa pag-imbulog mo’y palakasing pilit

Upang maabot mo ang ilusyong langit.

Huwag kang titigil sa iyong paglipad

Kahit na hapo na ang munti mong pakpak,

Pilit mong abutin ang langit na hangad

Na naging obsesyon ng sira mong utak!

Karangalan mo rin (hangal mang matawag)

Na sa sarili mo’y ikaw ang nagwasak!


HUWAG MO NANG SAGUTIN ANG TANONG

Ito ba ang Edeng dinalit sa huling sandali ni Rizal?

Ito ba ang “Pag-ibig” ni Bonifacio—na higit sa lahat?

Ito ba ang Lupang bantulot lisanin ni M. H. del Pilar—

ipinaglaban (kahit mamulubi) sa “La Solidaridad”?

Sa Dakilang Lumpo’y ito ba ang lakas na nagsilbing saklay?

Siyang huling sinta ni Heneral Goyo sa may Pasong Tirad?

Ito ba ang Liping sa may limang siglong sakop ng dayuhan,

Nakapanatiling may sariling kultura at identidad?

Kung ito ang lahing ang paglaya’y tinubos ng dugo’t buhay,

kung ito ang Lupa na ayon kay Rizal ay Edeng marilag,

Bakit tayo pa ang dumudungis sa sariling puri’t dangal?

Sa kalikasan at sa kapaligira’y siyang nagwawasak?

Totoo nga kaya ang paniniwalang—tayo’y Lahing HANGAL?

At nakararami sa umano’y lider ang may asal-Judas?

BAKIT?


IKAW’y hindi baging-

Bakit nanaising sa iba kumapit

upang di ibuwal ng baha at hangin?

Bakit di gamitin ang sariling bisig

At sa sarili mong paa ka tumindig?

IKAW’y matalino

at Lahing munti ma’y kilala sa tapang—

sa mga dayuha’y hindi nanganino

nuno mong Plaridel, Bonifacio’t Rizal.

Unang Republika ang itinatag mo

sa unang matagumpay na himagsikan.

EDSA Revolution

ngayo’y ginagawa ng maraming bansa—

mabisang panlaban sa mga diktador

himagsikang walang-dugo at payapa—

nagtampok sa kinikilala na ngayong

Lakas ng Nagkakaisang Mahihina.

IKAW’y hindi baging

Ikaw’y matalino’t kilalang matapang—

at nakahihiyang daing ka nang daing

at susukot-sukot ngayon sa dayuhan!

Ipinagpalit mo sa dollar at yen

Ang kaluluwa mo, laya, puri’t dangal!


ALEGORYA NG ISANG GUBAT


Pinanonood ko ang lunsod na gubat

Na may iba’t ibang hayop na naggala;

Doo’y—“matira ang matibay”—ang batas…

Pagkain ng malakas—ang mahina.

Ang kapangyarihan doo’y nasa Lakas!

Nasa isang Pulo ang gubat na yaon—

Sa dakong silangan ng ‘naglahong eden’;

Mabaging, madawag at mapunongkahoy,

Ang puso’t sikmura’y mahirap pasukin

Ng diwang di sanay magkalag ng Bugtong!

Pinanot ang gubat—upang bigyang-daan

Ang Lunsod na yari sa kongkreto’t marmol;

Batas din ng gubat pa ang umiiral

Bagama’t mulat na’t may sibilisasyon.

Nasa ilang Ganid ang kapangyarihan!

Naglaho ang gubat, subalit naiwan

Ang mga limatik, buwaya’t ulupong…

Kaya batas-gubat munti’y nilalamon

Ng nangaghaharing ganid at halimaw!

KANGKONG


Binunot ang ugat ng kangkong-estero

saka inilipat

sa lupang banyaga’t ang puso’y disyerto;

ang kangkong, totoong gulay-pangmahirap

naiaadobo

sa konting mantika ng taba ng Oso’t

banyagang prinsipyo,

at kung ang lupa mo’y hinamig ng tuso

sikil ding sisibol sa tubig at burak.

Ang tinubuan mong lupa’y hinahamig

sapagka’t suyak ka

sa isang bakurang mandi’y nililinis;

ikaw’y ihahagis sa mga basura,

ang talbos ng isip

kahit na bunutin ay magdadahon pa,

gagapang sa putik,

pilas na bandila’y doon ititirik.

Gulay-pangmahirap na nakatutubo

kahit sa pusaling

tapunan ng latak, yagit, tining, labo,

lalong sumisibol sa mga aglahi,

ang pagkasiphayo

ay halamang mula sa mabuting binhi—

habang nililipol, lumalagong lalo.

Mga Likhang Tula

BAGONG EDUKASYON?

Ang itinuturo ay “kahalagahan”
ng dunong at lakas
upang magtamo ng ginhawang material:
mag-isip, magplano, maghanap, tumuklas
sa Sining at agham
ng sa hinaharap ay magpapatatag
sa sariling interes at kabuhayan.

Musmos pa’y iminumulat ng magulang
sa layaw ang anak—
lahat ng maganda ang ibinibigay;
ipinakakai’y lahat ng masarap…
hanggang paaralan
sa isip ng bata ay itinatatak—
na salapi ang mahalaga sa buhay!

Kaya nang magtapos na sa pamantasan
ang obsesyo’t hangad
ay yumaman—kahit sa anong paraan!
yumaman kahit na magdaya’t manghuwad,
mang-api’t manlamang;
basta guminhawa, yumaman…yumaman—
sa kaban ng bansa kahit mangulimbat!

MALUPIT NA TAG-ARAW


Kahit habulin ko ang taglagas

sa batis na lumuluha ngayon ng burak,

nakalatag na ring bangkay ang bukas

na binugbog, pinatay nila sa gubat,

na ang dugong-baha sa kalambaka’y dumanak.

Ayaw kong salubungin ang tag-araw

nang hubad ang tuyot kong katawan-

punit ang dati kong damit na luntian,

baka mapaso ako sa katotohanang

ang bukas ay ililibing nang bangkay!

Saan kaya sisilong ang mga ibon—

kung tag-araw na humahampas ang daluyong?

ang mga rosas ay saan magkakanlong-

sa nakapapasong init ng pagsulong

ngayong nakaburol ang bukas sa berdeng kabaong?


GANTI NG KALIKASAN


Sa iyong bakura’y ilipat ang bundok,

Isalin ang gubat sa lumang palayok;

Gawin mong abono ang mga himutok

Ng mga tambutsong may lason ang usok…

Ilipat sa gripo sa bahay ang batis

Upang ang lababo ay pusong luminis

At duming maanod ang langaw at ipis

Sa tubig ng ulang may lason nang tubig!

Huwag iyang lunsod ang iyong ilipat

(Na materyalismo) sa bundok at gubat,

Nang di marumhan ang katutubo’t likas,

Nang ang lindol ay di magising sa pugad.

Ang bundok at gubat pag iyong sinaktan

Sa pag-iimbot sa likas nilang yaman-

Kahit na mabait iyang kalikasan

Sa kasakiman mo’y magiging halimaw!

MAY GANTI


Sugatan ang lupa at magiging bulkan

Lasunin ang hangin at magiging unos,

At ang sisirain ay kapaligiran

Sa pagbabalik na may higanti’t poot.

Tambakan ng basura ang sapa’t ilog,

Ang sangka’t estero ay gawing tambakan

Upang maging pugad ng langaw at uod

Na may higanting babalik balang araw.

Hamigin sa lupa ang lahat ng yaman,

Limasin ang dagat, butasin ang bundok;

Hayop, isda, ibon ay kitlan ng buhay

Hanggang sa malipol ang lahi’t maubos.

Kapag inalipin ka ng pag-iimbot,

At kinuha ang higit sa kailangan…

Bulkang magigising ang tulog na bundok,

Hahampas ang unos kahit na tag-araw!


DASAL-DALIT NI MANG JUAN


Kumukulo’y walang bigas sa palayok

Sa gatong ng kahoy-bundok,

At sa harap ng dagupan ay yukayok

Si Mang Juan, isang hapong umuunos;

May tanong na di masagot:

Tag-araw’y bakit may bagyong dumagunot?

Upang palambutin ba ang lupang tuyot

O anurin yaong bulok

Sa bukiring taba’t yaman ay hinuthot?

Kagutuman sa pintuan ay kumatok

Sa bukirin nang magkuyog

Ang dayuhang mga balang na dayukdok,

At nilaklak ang pananim, pati talbos!

Si Mang Jua’y napaluhod

At sa gutom ay nasabing pahimutok:

“Bigyan Mo ‘ko ng kakanin, Poong Diyos,

O ihukay mo ng puntod!”